
Handang makipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) ang nagpakilalalang dating karelasyon ng whistle blower ng mga nawawalang sabungero na si Julie “Dondon” Patidongan.
Hawak kasi ni alyas ‘Nene’ ang cellphone ng umano’y isa sa mga nawawalang sabungero.
Kwento ni alyas ‘Nene’, ibinigay sa kanya ng whistleblower ang cellphone dahil wala siyang magamit na magandang cellphone noon.
Nang ibigay ito ni Patidongan sa kanya ay may naka-log in na Facebook account na Marlon Baccay ang profile.
Ang naturang cellphone ay pinagamit naman ni alyas ‘Nene’ sa kanyang ina.
Kalaunan ay napagtanto ni alyas ‘Nene’ na ang naka-log in na user sa cellphone ay isa sa mga nawawalang sabungero.
Pinapasira raw sa kanya ni Dondon ang cellphone pero itinago na lamang ito ng kanyang ina habang itinapon sa dagat ang sim card ng naturang cellphone.
Una rito, nagsampa ng walong bilang ng kasong rape, sexual abuse at serious illegal detention si alyas ‘Nene’ laban kay Patidongan dahil pinuwersa umano siya para makipagtalik noong siya ay 16 years old pa lamang matapos pangakuang pag-aaralin ng missing sabungeros whistle blower.









