Isang panalo na lamang ang kailangan ng Boston Celtics para umusad sa 2nd round ng NBA playoffs matapos na talunin kanina sa Game 4 ang Atlanta Hawks, 129-121.
Sa ngayon, abanse na sa serye ang Celtics 3-1 at ang Game 5 ay sa Miyekules, Abril 26.
Kapwa nagtala ng tig-31 points sina Jaylen Brown at Jayson Tatum at nagsama ng puwersa para sa final 16 points upang pigilang makahabol ang Hawks.
Kapansin-pansin na tinanggal na rin ni Brown ang kanyang mask na mula pa Pebrero ay gamit na niya.
Sa panig ng Hawks, nasayang ang big game ni Trae Young na may 35 points at 15 assists.
Una rito, nasungkit din ng New York Knicks ang ikatlong panalo sa Game 4 kontra sa karibal na Cleveland Cavaliers, 102-93.
Kumamada ng 29 puntos si Jalen Brunson para tulungan ang Knicks na posibleng makarating ng second round sa unang pagkakataon mula taong 2013.
Ang Game 5 ay mangyayari sa Huwebes, Abril 27 sa teritoryo ng Cavs.
Sa isa pang game, naitabla naman ng defending champions na Golden State Warriors ang serye sa tig-dalawang panalo makaraan ang makapigil hininga na laro sa Game 4 laban sa Sacramento Kings, 126-125.
Bagama’t may 32 points si Stephen Curry, usap-usapan naman ang “na-wow” mali niya na paghingi ng time-out nang ma-trap sa depensa ng Kings may 40 seconds na lang ang nalalabi.
Sa buong akala ni Curry ay may nalalabi pang time-out ang team pero ubos na pala na siyang sinamantala ng Kings para makahabol hanggang sa may isang kalamangan na lamang ang Warriors.
Ang Game 5 ay isasagawa sa Huwebes sa Sacramento.
Samantala, natigil naman ang pag-usad sana ng Denver Nuggets kaagad sa second round nang masilat sila sa overtime sa Game 4 ng Minnesota Timberwolves, 114-108.
Gayunman, hawak pa rin ng Nuggets ang bentahe sa serye, 3-1.
Nabaliwala naman ang playoff career high na 43 points ni Nikola Jokic.
Ang Game 5 ay itinakda sa Miyerkules sa lugar ng Denver na maaaring tapusin na nila ang serye.