Cauayan City, Isabela- Nagbigay ng paalala sa publiko ang tanggapan ng CENRO sa Lungsod ng Cauayan kasabay ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Day.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Dado Contillo, CENRO Officer ng Lungsod ng Cauayan, kanyang sinabi na kinakailangang magtulungan upang maprotektahan ang kalikasan hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa mga susunod na henerasyon.
Hindi aniya magagawa ng iilang ahensya ang pagprotekta sa Kalikasan kundi kinakailangan ang pakikiisa at pagmamahal ng buong mamamayan.
Kaugnay nito, nagpapatuloy aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan at pagpapaalala sa mga upland farmers na huwag tangkilin ang pagkakaingin upang maalagaan ang kalikasan.
Gayundin din sa mga illegal loggers na nakakalusot sa kanilang nasasakupan na huwag abusuhin ang kalikasan kundi pangalagaan.
Hinihikayat naman nito ang taong bayan na magtanim ng punong kahoy na kung saan ay maaari aniyang humingi ng punong kahoy sa kanilang tanggapan subalit prayoridad aniya nila na mabigyan ang mga lugar na kinakailangan tamnan ng puno gaya ng mga malalapit sa Cagayan river.
Sa kasalukuyan, mayroon aniyang target ang nasabing ahensya na 50 hectares na tatamnan ng punong kahoy sa bahagi ng bayan ng Angadanan habang nasa isang (1) ektarya naman sa Lungsod ng Cauayan para sa bamboo plantation area ng mga CENRO personnel.