
Kinumpirma ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)–Sta. Cruz na tuloy-tuloy na pag-ulan ang pangunahing dahilan ng pagguho ng lupa sa Barangay Rizal, Pakil noong Nobyembre 21, 2025.
Sa spot report na pirmado ni CENRO Isagani G. Amatorio, isinagawa ng Enforcement and Monitoring Section ang beripikasyon matapos kumalat sa social media ang ulat ng landslide.
Ayon sa kanilang initial investigation, naganap ang pagguho sa loob ng Lot Nos. 9466 at 9945 sa Barangay Rizal.
Ayon sa mga residente, isang isolated na bahagi lamang ng lupa ang gumuho, at napapaligiran ito ng matatayog at maraming puno, kaya nanatiling matatag ang kalapit na bahagi ng bundok. Wala ring naapektuhang bahay sa insidente.
Nilinaw ng CENRO na walang nakitang ongoing cutting activity sa mga upper portions ng lugar ng insidente. Bilang agarang hakbang, inatasan ng Municipal LGU ang mga residente sa loob ng 100–150 metrong radius ng hazard zone na lumikas.
Naglagay rin ng warning line malapit sa gumuhong bahagi upang maiwasan ang pagpasok sa peligro, habang inihahanda ang karagdagang information signage para sa publiko.
Dagdag pa ng CENRO, nakatakdang magbigay ng technical assistance ang Mines and Geosciences Bureau sa susunod na linggo.
Sa kanilang paunang obserbasyon, sinabi ni Amatorio na ang pagguho ay “maaaring dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakaraang buwan na nagpalambot sa katatagan ng lupa.”
Nakatakdang ilabas ng CENRO ang mas detalyadong ulat makalipas ang paunang pagsusuri.









