Central Luzon, nakapagtala ng mahigit 18,500 na kaso ng mga dengue sa loob ng pitong buwan

Aabot na sa 18,557 ang naitalang kaso ng dengue sa Central Luzon o Region 3 sa nakalipas na pitong buwan.

Ayon sa Department of Health-Central Luzon Center for Health Development 3 (CLHDD3), ang mga naturang bilang ay naitala mula Enero 1 hanggang Hulyo 23 ngayong taon kung saan mas mataas ng 55% kumpara sa 11,993 kaso sa parehong panahon noong 2021.

Kinumpirma rin ni CLCHD3 Officer-in-Charge (OIC) Corazon Flores, ang mga kaso ng dengue sa rehiyon ay umabot na sa epidemic threshold simula nitong Abril.


Batay sa datos, ang Bulacan ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng sakit na pumalo sa 8,434 na mas mataas ng 298 percent kumpara sa 2,120 na kaso noong Enero 1 hanggang Hulyo 23.

Pumangalawa naman ang Nueva Ecija na may 3,522 na kaso, kung saan 81% na mas mataas kaysa noong nakaraang taon na 1,942 na kaso.

Sumunod naman ang Pampanga na mayroong 2,344 na kaso, pero ang mga nasabing kaso ay mas mababa ng 27 percent kumpara sa 3,224 na kaso sa parehong panahon noong 2021.

Pang-apat ang Zambales na may 1,502 na kaso, kung saan 28% na mas mataas kaysa noong nakaraang taon na 1,178 na kaso.

Habang, nakapagtala ang Tarlac na 1,290 na kaso ng dengue na 54 percent na mas mababa kaysa sa 2,829 noong nakaraang taon at ang Bataan ay may 646 na 1% na mas mababa kumpara sa 652 noong 2021

819 naman na kaso ang naitala ng Aurora o 1,606% na mas mataas kaysa sa 48 na kaso nito sa unang pitong buwan ng 2021.

Samantala, nasa 39 na ang naitatalang nasawi dahil sa dengue sa Central Luzon mula Enero 1 hanggang Hulyo 23 ngayong taon.

Facebook Comments