Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang Central Luzon Police dahil sa mabilis na paglutas sa kaso ng brutal na pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Pampanga.
Sa kanyang pahayag, binigyang diin ni Gen. Marbil ang kanilang pangako na protektahan ang publiko at tiyakin ang katarungan para sa lahat ng biktima ng karahasan.
Ang mag-asawang Lulu ay pinagbabaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo noong October 4, 2024. Naaresto ang tatlong suspek, kabilang ang sinasabing mastermind na may utang na P13 million sa mga biktima na itinuturing na motibo ng krimen.
Nag-hire umano ang mastermind ng mga hitman sa halagang P900,000 upang patayin ang mag-asawa at nakawin ang mga mahahalagang bagay mula sa kanilang tahanan.
Sa kasalukuyan, mayroong apat pang suspek na nahaharap sa mga kasong double murder, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang indibidwal na maaaring may kaugnayan sa kaso.