Central Visayas, handang magpadala ng karagdagang medical workers sa NCR Plus

Handang magpadala ng karagdagan pang mga healthcare workers sa NCR Plus ang Central Visayas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Health Region 7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche na i-e-evaluate nilang mabuti ang sitwasyon kung kinakailangan pang magpadala ng mga dagdag na health workers o kung ipu-pull out na sila pagkatapos ng isang buwan.

Sa ngayon aniya, mababa naman na ang kaso ng COVID-19 sa kanilang rehiyon kaya handa nilang ipahiram ang kanilang mga medical workers.


Pero kaakibat nito, dapat aniyang tiyakin ng mga ospital kung saan sila nakatalaga na mabibigyan sila ng disenteng matutuluyan.

Tiniyak din ni Loreche na bukod sa sweldo at benepisyo, kumpleto rin sa pabaon ang mga health workers kabilang na ang mga Personal Protective Equipment (PPE).

“Ang arrangement po natin is, kung saang hospital nakatalaga, ang hospital na ‘yun should provide them a very decent accommodation,” ani Loreche.

“Mahalaga po yun kasi ayaw naman po natin na madala yung mga ipinadala d’yan at kakalat dito yung reklamo, mahihirap tayo i-convince kung sino man po yung pwede pa nating ipadala dyan,” dagdag niya.

Kahapon nang dumating sa Metro Manila ang mahigit 50 health workers mula Central Visayas para tugunan ang kakulangan ng mga doktor at nurse sa gitna ng COVID-19 surge sa NCR Plus.

Facebook Comments