Hiniling ni Speaker Lord Allan Velasco kay Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na bumuo ng isang sentralisadong database at monitoring system para sa pagdating ng COVID-19 vaccines.
Layunin nito na matulungan ng Kongreso ang Ehekutibo para sa nakatakdang roll-out ng bakuna ngayong taon.
Sa pulong ng speaker kasama ang mga opisyal, ipinaabot ni Velasco na kailangang magkaroon ng centralised database at monitoring system bago pa man ang pagdating ng mga COVID-19 vaccines upang sa gayon ay maiwasan ang duplications o pagdodoble sa listahan at iba pang problema sa logistics.
Hinimok din nito ang task force na magpatupad ng “passport” system na siyang magsisilbing katibayan ng mga Pilipino na sila ay nabakunahan na kontra COVID-19.
Idinulog din ni Velasco kina Duque at Galvez ang plano ng Kamara na mag-apruba ng panukala na mapapabilis sa procurement at administration ng bakuna at pagbibigay ng kapangyarihan sa mga Local Government Units (LGUs) na direktang bumili ng COVID-19 vaccine sa mga manufacturers.