UNITED STATES – Nagbitiw na sa tungkulin ang chief executive officer ng isang tech-based company sa San Francisco, California matapos mag-viral sa social media ang pang-aalipusta niya sa isang pamilyang Pinoy na nakasabay niyang kumain sa isang restawran.
Ayon sa ulat ng San Francisco Chronicle, nag-resign bilang CEO ng Solid8 si Michael Lofthouse nitong nakaraang linggo.
“I can confirm that I have stepped down from Solid8, terminating all business relationships with immediate effect. I will make it my duty to ensure my personal actions do not continue to have a detrimental impact on those people closest to me,” anang Lofthouse.
Sa kumalat na video, makikitang nag-dirty finger ang Amerikano sa pamilya ni Raymond Orosa na tinawag din niyang “Asian piece of sh*t.
Sinabihan din niya ang mga kababayan na “Trump’s gonna f–k you” at humirit na dapat nilang lisanin ang Amerika.
Ayon kay Orosa, ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng kaniyang maybahay nang bigla silang bastusin ni Lofthouse. Aniya, sa higit dalawang dekada nilang paninirahan sa Estados Unidos ay ngayon lang sila naging biktima ng diskriminasyon doon.
Kaagad naman sinita at pinaalis ng mga kawani ng establisyimento si Lofthouse dulot ng ginawang eksena.