Nagsagawa ng ceremonial launching ng checkpoints sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila ang Commission on Elections (COMELEC) kasama ang Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo ng umaga.
Kasabay ito ng pagsisimula ngayong araw ng election period at pagpapatupad ng gun ban.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sinumang pasaway at lalabag sa gun ban ay maaaring maharap sa parusang kulong dahil sa election offense.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Commissioner Aimee Ferolino sa mga pending pa ang application sa gun exemption na huwag munang dalhin ang mga baril habang naghihintay ng papeles.
Sa ambush interview, sinabi naman ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na mula kaninang hatinggabi ay may apat na silang nahuli sa iba’t ibang bahagi ng bansa na lumabag sa gun ban.
Nasa mahigit isang libong checkpoints ang ipinakalat sa iba’t ibang lungsod at bayan upang maiwasan ang election related violence.