Kasunod ng nakatakdang pagbabakuna sa A4 priority group, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Usec. Rose Edillon na maglalabas sila ng guidelines hinggil sa vaccination roll out ng nabanggit na sektor.
Ayon kay Usec. Edillon, sa ngayon ay nasa 17 ang subgroup ng A4 priority list na tinaguriang mga economic drivers.
Paliwanag nito, kinakailangang makipag-coordinate ang pamunuan ng isang pribadong kompanya kung nasaang Local Government Unit (LGU) nasasakop ang kanilang opisina para sa mas mabilis na proseso.
Magiging requirement aniya sa mga nasa hanay ng A4 ang Certificate of Eligibility kung saan nakasaad na kabilang sila sa naturang subgroup at ito ay kailangang pirmado ng kanilang HR o head of agency na syang ipapakita sa oras na sila ay babakunahan na.
Giit pa ni Usec. Edillon, bawat priority group ay may kaukulang requirement bago mabakunahan.
Para sa A1 o mga medical health workers, dapat aniya silang makapag-presinta ng kanilang PRC ID, sa mga nasa A2 o senior citizens ay dapat mayroon silang sertipikasyon mula sa Office for Senior Citizens Affairs at para sa A3 o may mga commorbities ay dapat makapagpresinta sila ng medical certificate na magpapatunay na sila ay may karamdaman bago turukan ng bakuna kontra COVID-19.
Ilan sa mga pasok sa A4 category ay commuter transport (land, air, at sea), kabilang ang logistics, public and private wet at dry market vendors; frontline workers sa groceries, supermarkets, delivery services, mga manggagawa mula sa food at beverage manufacturing, medical at pharmaceutical products, frontline workers sa food retail, kabilang ang food service delivery, frontline workers sa private at government financial services, mga pari, security guards, mga kawani ng media at maraming iba pa.