Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na nakatanggap na sila ng Certificate of Product Registration (CPR) application para sa anti-parasitic drug na Ivermectin.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mayroong isang application na pinasa sa kanila.
Inilatag na nila sa proponent ang mga requirements para maaari nilang i-manufacture at ibenta ang Ivermectin sa mas malawak na pamamaraan.
Sinabi ni Domingo na ang Ivermectin ay magagamit bilang anti-parasitic at pwedeng gamitin sa tao o hayop.
Sa Pilipinas, ang commercially available at ang nakarehistro sa FDA ay ang veterinary form ng Ivermectin.
Iginiit ng FDA na walang manufacturer o distributor sa bansa ang mayroong CPR para sa Ivermectin, pero maaaring ma-access ng mga tao ang gamot sa pamamagitan ng mga butika na mayroong “compounding license.”