Manila, Philippines – Muling iginiit ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na hindi siya interesado na maging House Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Bukod sa pahayag na ito ay tumanggi na si Arroyo na sumagot sa iba pang tanong sa ambush interview sa kanya sa Kamara.
Si CGMA ay humarap sa isang pulong balitaan para sa launching ng primer ni Atty. Estelito Mendoza ukol sa West Philippine Sea na may tiutlong ‘The Ocean Space and the Maritime Area of the Philippines.’
Hindi mamatay-matay ang balita na si Arroyo ay magiging lider ng Kamara, kapalit daw ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Lalong lumakas ito nang mag-away sina Alvarez at Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo.
Samantala, umiwas din si Arroyo na magkomento kaugnay sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na tuluyang ibasura ang plunder case nito, hinggil sa umano’y maanomalyang paggasta sa PCSO intelligence fund noong siya’y Pangulo ng bansa.