Hindi ipaprayoridad sa pagtalakay sa plenaryo ang panukalang amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri kasabay ng paglilinaw nito na hindi kailanman naging bahagi ng agenda ng Senado ang Charter Change.
Katunayan aniya, sa 20 legislative priorities ay wala rito ang Cha-Cha at marami rin sa mga kasamahang senador ang nagpahayag na mas unahin ang mga panukalang tinukoy sa na pinag-usapan ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Nilinaw naman ni Zubiri na hindi naman patay ang Cha-Cha sa Mataas na Kapulungan at maaari pa rin itong talakayin ni Senator Robin Padilla sa komite.
‘Yun lamang, pagdating aniya sa plenaryo ay hindi talaga ito ipaprayoridad ng mga senador lalo’t halos lahat ng mga mambabatas na kanyang nakausap ay hindi handa para pag-usapan ang chacha.
Samantala, sinabi naman ni Senator Grace Poe na tiyak na makakaapekto sa consensus sa pangangailangan ng Charter Change ang pagsasantabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa Cha-Cha.
Kapag ganitong walang basbas mula sa pangulo, ay tiyak na mas uunahin ng mga mambabatas ang mga nasa priority list tulad ng Internet Transactions Act at Centers for Disease Prevention and Control o CDC bill.