Iginiit ng mga senador na bukas na ang Pilipinas sa pagnenegosyo ng mga dayuhan kaya hindi na kakailanganin pa ang pag-amyenda sa Konstitusyon o Charter Change.
Partikular na tinukoy ng mga senador ang inamyendahang Public Services Act (PSA), Foreign Investment Act at Retail Trade Liberalization Act na layong himukin ang pagpasok ng maraming foreign investments sa bansa.
Ayon kay Subcommittee Chairman Senator Sonny Angara, tinitiyak sa amyenda sa PSA ang 60-40 na limitasyon sa foreign ownership na i-a-apply sa mga essential public utilities tulad ng kuryente, tubig, seaports at public utility vehicles.
Kinontra ni Senator Grace Poe ang claim na sarado ang ekonomiya ng bansa sa foreign investors at katunayan ay hinihikayat pa nga ng PSA ang mga new player na pumasok sa sektor ng airports, railways, expressways at telecommunications para magkaroon ng patas na kompetisyon na makapagbibigay ng pinahusay na serbisyo at mas murang presyo para sa mga konsyumer.
Binigyang diin naman ni Senator Risa Hontiveros ang kahalagahan na dapat mas malaki pa rin ang pagmamay-ari ng mga Pilipino sa mga critical infrastructures kung saan tinukoy niyo ang isyu sa mga Mandarin manuals na nakita sa National Grid Corporation of the Philippines na mistulang mas kontrolado na ng China kumpara sa mga Pilipino.
Iginiit naman ni Senator JV Ejercito na ang dapat gawin sa mga batas pang-ekonomiya na ito ay bigyan ng pagkakataon sabay ng babala na mag-ingat sa pagmamadali na maamyendahan ang Konstitusyon dahil sa complexity nito at mahihirapang maibalik sa dati oras na ito’y maamyendahan o mabago na.