Cha-cha, hindi kasama sa mga prayoridad na panukalang target maipasa ng Senado bago matapos ang 2nd regular session ng 19th Congress

Hindi kasama sa listahan ng priority measures na target maipasa ng Senado bago ang pagtatapos ng second regular session ang panukalang Charter change (Cha-cha) o ang Resolution of Both Houses no. 6.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang 20 prayoridad na panukala ay nakalinya na para maisabatas at ang Cha-cha ay may tatlo pang pagdinig na kailangang pagdaanan bago ito maiakyat sa plenaryo at tuluyang pagtibayin.

Bukod dito, wala pa aniyang pinal na inaaprubahan na rules kung sa papaanong paraan tatalakayin at pagbobotohan sa plenaryo ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.


Kung si Zubiri ang tatanungin, pipiliin niyang talakayin ang Cha-cha sa morning sessions at posible naman itong gawin depende sa mapagkakasunduan sa caucus.

Wala pa rin aniyang desisyon ang mataas na kapulungan sa planong pagtalakay at konsultasyon sa Cha-cha sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa ngayon ay nakabinbin pa sa Senado ang Resolution of Both Houses no. 7 na bersyon ng Kamara na naunang inaprubahan dahil hihintayin pa ang pagapruba sa RBH6 at saka ito pag-iisahin para maging identical at isang bersyon na lamang ng Cha-cha.

Facebook Comments