Cha-Cha, makakagulo lamang sa mga mambabatas – Senator Marcos

Nangangamba si Senator Imee Marcos na posibleng magdulot lang ng ‘distraction’ o pagkagulo ng isip sa mga mambabatas ang pagpupumilit na maisulong ang Charter Change (Cha-Cha) partikular ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Ayon kay Marcos, bagama’t batid na may mga kinakailangang baguhin sa mga probisyon ng Saligang Batas, hindi naman napapanahon para unahin at pag-usapan ang Cha-Cha.

Giit ng senadora, hindi malabong magdulot ng “diversion” at “distraction” sa mga senador ang Cha-Cha para unahin ang ibang mas mahahalagang bagay.


Marami aniyang panukalang batas at mga problema ang bansa na mas dapat na tutukan at madaliin tulad na lamang ng pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino, epekto ng inflation rate at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dapat din aniyang sugpuin muna ang mga matitinding problema sa bansa tulad ng kakulangan sa suplay ng pagkain at ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa bansa gayundin ang agad na pagresolba sa mga kaso ng pamamaslang sa ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan tulad ng brutal na pagpatay kina Negros Oriental Gov. Roel Degamo at Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda.

Dagdag pa ni Senadora Marcos, magkakaroon din naman ng pagkakataon ang Kongreso para pag-usapan ang Cha-Cha pero sa pagkakataong ito ay hindi pa muna dapat ito ang unahin ng mga mambabatas.

Facebook Comments