Cha-cha, posibleng abusuhin ng mga korap at sakim na mga opisyal ayon sa ilang legal framers ng konstitusyon

Nagbabala ang ilan sa ‘legal framers’ ng Konstitusyon na posibleng abusuhin ng ilang mga tiwaling opisyal ang Charter change (Cha-cha).

Sa pagdinig ng subcommittee para sa Resolution of Both Houses no. 6, sinabi ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Atty. Christian Monsod na maaaring magbukas pa sa pinto ng korapsyon ang pagbubukas sa economic provisions sa pamamagitan ng paglalagay ng katagang ‘unless otherwise provided by law’.

Inihalimbawa ni Monsod ang mga manufacturing companies sa Japan kung saan pang-apat ang Pilipinas sa mga bansang Indonesia, Thailand at Vietnam sa pinipiling paglagyan ng investment o negosyo kahit pa ang mga manufacturing sa bansa ay pinapayagan naman na 100% foreign owned.


Aniya, ang itinuturong dahilan kung bakit huli sa pagpipilian ang bansa ay dahil sa imahe ng Pilipinas na malala ang corruption.

Napuna rin ni Monsod na walang nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028 na Cha-cha at wala ring kondisyon ang mga dayuhan na amyendahan muna ang economic provisions ng bansa nang mag-pledge ang mga ito ng P73 billion investment sa Pilipinas matapos ang mga biyahe ng pangulo sa abroad.

Samantala, iminungkahi naman ni former Justice Vicente Mendoza na mas makabubuti kung magkasama ang Senado at Kamara sa pagtalakay sa Cha-cha.

Batay sa Constitution, sa pagtalakay sa Cha-cha ang mga senador at mga kongresista ay miyembro ng Constituent Assembly na iisang body lamang at kung ganito ang gagawin ng dalawang kapulungan ay mas mapapadali ang palitan ng mga pananaw at opinyon patungkol sa pag-amyenda sa economic provisions.

Facebook Comments