Cha-Cha, posibleng magpasok sa bansa ng mga maraming foreign military bases

Nangangamba si Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang pagkakaroon ng mas maraming foreign military bases sa ating bansa sa oras na maikasa na ang Charter Change (Cha-Cha).

Ayon kay Brosas, nakasaad sa 1987 Constitution na bawal ang pagtatayo ng foreign military bases, troops, o facilities sa Pilipinas maliban na lang kung itinatakda ito ng isang tratado na pinagtibay ng Senado o kaya ay inaprubahan ng mayorya ng mamamayan sa pamamagitan ng isang national referendum.

Sa tingin ni Brosas, sa oras na mangyari ang Cha-Cha ay mapapahintulutan na rin ang mga panibagong base ng Amerika sa iba’t ibang bahagi ng bansa bukod sa pagkakaroon ng mga panibagong tratado tulad ng Reciprocal Access Agreement sa Japan.


Samantala, bilang pagtutol sa Cha-Cha ay sinabayan ng iba’t ibang grupo ng rally sa labas ng Batasan Pambansa sa Quezon City ang pagbabalik ng session ngayong Lunes.

Kabilang sa mga lumahok ay ang mga miyembro ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, gayundin ang Bayan Muna, ACT Teachers, Health Alliance for Democracy, at mga kaalyadong grupo.

Facebook Comments