Manila, Philippines – Binigyang direktiba ni House Speaker Gloria Arroyo si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Vicente Veloso na huwag munang talakayin ang substance ng isinumiteng federalism charter ng constitutional commission o con-com.
Sa utos na ibinigay ni SGMA kay Veloso, sinabi ng Speaker na tatalakayin lamang ang ‘substance’ ng cha-cha kapag nag-convene na ang Senado at Kamara bilang Constituent Assembly.
Giit ni Arroyo, “waste of time” o sayang ang oras kung pag-uusapan na ngayon ng komite ang nilalaman ng federal charter dahil mababalewala lamang ang anumang mapagkakasunduan sa komite dahil bubuo din ng rules ang dalawang kapulungan sa ConAss.
Hindi naman matiyak ni Arroyo kung kailan masisimulan ang ConAss dahil kailangan na magkasama ang Senado at Kamara sa assembly na ito.
Sa briefing naman ngayon ng constitutional amendments, tinalakay lamang ngayon ng komite kung anong mga paraan ang gagawin para mahikayat ang Senado sa ConAss.
Sa briefing ay dumalo sina con-com member at dating Senate President Nene Pimentel kasama si con-com Spokesperson Conrado Generoso kung saan ipiprisinta lamang nila ang nilalaman ng federal charter.
Samantala, naihain na ang House Resolution 2056 para sa pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan nakasaad na dito ang “separate voting” ng Kamara at Senado sa oras na magconvene bilang ConAss.