Idineklara na ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi kasama ang panukalang Charter Change (ChaCha) sa listahan ng mga prayoridad ng Senado.
Mensahe ito ni Sotto makaraang ihayag ng ilang kongresista na tatalakayin nilang muli ang ChaCha sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso mula sa Lunes, July 27, 2020.
Giit naman nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Richard Gordon, hindi ngayong may pandemya ang tamang panahon para pag-usapan ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Diin ni Gordon, ang pagpigil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 ang dapat pagtuunan ng pansin at hindi ang ChaCha.
Tiniyak pa ni Drilon na kanilang haharangin ang panukalang Chacha.
Tiwala si Drilon na makikita ng kanyang mga kasamahang Senador na hindi kailangan ang ChaCha ngayon, at hindi ito para sa kapakanan ng bayan at mamamayan na problemado sa COVID-19, at karamihan ay nawalan ng hanapbuhay.