ChaCha, tiyak mamamatay kapag iniakyat sa Senado

Tiniyak ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na mamamatay o dead-on-arrival ang panukalang Charter Change sa oras na i-akyat ito sa Senado.

Diin ni Drilon, hindi makikisayaw sa ChaCha ang mga Senador at hindi ito kasama sa mga panukalang batas na prayoridad nilang ipasa sa nalalabing buwan ng 18th Congress.

Sa katunayan, ayon kay Drilon, sa pulong nilang mga Senador ay wala kahit isa ang nagsulong sa ChaCha na aniya’y parang COVID-19 virus na palaging nabubuhay.


Tinukoy ni Drilon na kahit sa 2 oras at 45 na minutong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi rin binanggit ang ChaCha.

Napakalinaw ayon kay Drilon na wala ang ChaCha sa mga panukala na nais ng pangulo na ipasa ng kongreso sa susunod na 12 buwan.

Giit ni Drilon, hindi na kailangan ang ChaCha para mapadali ang pagpasok ng dayuhang mamumuhuan sa bansa at makatulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.

Paliwanag ni Drilon, sapat na pag-amyenda sa Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investment Act, at iba pang economic bills na nasa listahan ng LEDAC.

Facebook Comments