Chairman Bautista, kinokonsidera ang pagle-leave sa komisyon

Manila, Philippines – Kasunod ng kontrobersiyang kinakaharap ngayon ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista, isa sa mga ikinokonsidera ngayon ng poll chief ang paghahain ng leave sa komisyon.

Ayon kay Bautista, marami siyang iniisip sa ngayon dahil gusto niyang protektahan ang kanyang mga anak na lubos nang naaapektuhan sa hidwaan nila ng kanyang asawa.

Nais din niyang protektahan ang reputasyon ng kanyang pamilya na nakakaladkad na sa batuhan nila ng putik ng asawang si Patricia.


Kasabay nito sinabi ni Bautista na nakausap narin niya ang iba pang commissioner ng COMELEC at lahat naman aniya ito ay nagpahayag ng pagsuporta sa kanya.

Sa katunayan, dumalo si COMELEC commissioner Arthur Lim sa misa na inialay sa kanya ng mga kawani ng COMELEC kanina sa Manila Cathedral.

Facebook Comments