Chairman ng Board of Canvasser sa Quezon City, binalasa; dalawang VCM, pumalya sa isinagawang final testing at sealing

Binalasa na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang City Board of Canvassers Chairman sa Quezon City.

Nakatakdang palitan si Atty. Zenia Ledesma-Magno na kasalukuyang City Board of Canvassers Chairman ng QC.

Gayunman, hindi pa malinaw kung sino ang papalit kay Magno, ngunit napag-alamang bukas na isasagawa ang palitan ng chairmanship.


Ang COMELEC ay may kapangyarihan na mag-transfer o magre-assign ng kanilang personnel sa panahon ng eleksyon upang masiguro ang maayos, tapat, at mapayapang halalan.

Samantala, isinagawa ngayong araw ng COMELEC QC ang final testing at sealing ng Vote Counting Machines (VCM) kung saan dalawa mula sa 351 na VCMs ang pumalya.

Ayon sa COMELEC, ito ay isolated case lamang at sinigurong papalitan agad ang pumalyang VCM.

Dagsa rin ngayon ang mga guro sa COMELEC QC para makuhaan ng kanilang digital signature.

Sa kabuuan, may 1,409,892 na rehistradong botante ang QC mula District 1 hanggang District 6.

Facebook Comments