Chairman ng LTFRB na si Martin Delgra, pinagsabihan ng mga senador kaugnay ng ayudang matatanggap ng mga PUV driver

Pinagsabihan ng mga senador si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na tiyaking mabilis na makakarating sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan ang ayuda.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa P1.0 billion para sa fuel subsidies ng transportation sector na apektado ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Senator Grace Poe, magsasagawa sila ng follow-up kung natanggap na ng mga PUV drivers ang ayuda.


Habang sinabi naman ni Senator Imee Marcos na babantayan nila ang pamamahagi ng ayuda sa mga tsuper na nakapaloob sa bilang ng DBCC na nasa 178,000.

Matatandaang bago inaprubahan ang pagbibigay ng ayuda sa mga drayber ay sinita ng mga senador ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTFRB dahil ngayon lamang ito pinag-isipan gayong siyam na linggo nang sunod-sunod na nagtaas ang presyo ng petrolyo sa bansa.

Facebook Comments