Pinangunahan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Saiden Pangarungan ang walkthrough sa National Printing Office.
Kasama ang iba’t ibang election observers at media, ipinakita niya ang buong proseso ng pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa May 9, 2022 national elections.
Kabilang sa ipinasilip ay ang proseso ng printing, pagdaan sa sheeter machine, pagdaan sa storage at verification.
Ipinaliwanag ni Printing Committee Head Comm. Marlon Casquejo na pagkatapos ng pag-imprenta ng mga balota ay daraan pa rin ito sa verification process.
Pagkatapos ng gagawing verification, ipapasok sa vote counting machine ang balota.
Kapag tinanggap ng VCM, ikokonsidera na itong good ballot at idederetso sa ballot exit para sa packing at shipping.
Kapag naman hindi tinanggap o depektibo, dideretso ito sa quarantine area; pagpipira-pirasuhin at magsasagawa na lamang ng reprinting.
Mahigit 60 milyon ang iimprenta na balota at target itong matapos sa March 28.
Ani Casquejo, sa ngayon ay 49-M na balota na ang na-imprenta.
Habang may 5.288-M na kailangang i-reprint matapos na may mga sheet ang kinakitaan ng depekto.
Batay sa timeline ng COMELEC, April 20 hanggang May 5 ang deployment ng mga balota.