Nakatakda nang magretiro sa serbisyo sa Sabado si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff General Cirilito Sobejana pagsapit ng kanyang ika-56 na taong kaarawan.
Sa inilabas na advisory ni AFP Public Affairs Office Chief Navy Capt. Jonathan Zata, sa Sabado rin isasagawa ang Change of Command Ceremony para sa magiging susunod na AFP Chief-of-Staff.
Si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang panauhing pandangal at tagapagsalita sa seremonya sa Lapu-Lapu Grandstand Sa Camp Aguinaldo alas-3:00 ng hapon.
Si Sobejana ay nanungkulan ng halos 6 na buwan bilang ika-55 na Chief-of-Staff ng AFP makaraang umangat sa pwesto nitong February 4.
Hanggang sa ngayon hindi pa inihahayag ng Pangulo kung sino ang kanyang napili mula sa mga kandidatong inirekomenda ng AFP Board of Generals na magiging kapalit ni Sobejana.