Saturday, January 31, 2026

Chantal Anicoche, na-discharge na sa 2nd Infantry Division Hospital

Medically discharged na si Chantal Anicoche matapos makumpleto ang kanyang treatment sa 2nd Infantry Battalion Hospital sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal noong Huwebes, Enero 29.

Nabatid na na-rescue si Anicoche matapos abandonahin ng kanyang mga kasamahan kasunod ng engkwentro noong Enero 1, kung saan natagpuan siya ng mga militar sa isang butas habang humihingi ng tulong, matapos umano niyang makaligtas ng walong araw na walang tubig at pagkain.

Sa gitna ng kanyang gamutan ay binisita siya ni Consul General Brendan Mullarkey kasama ang iba pang opisyal ng US Embassy sa Maynila.

Bukod dito, pinayagan din siyang tumawag sa kanyang ina at binisita ng mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross, Commission on Human Rights (CHR), at Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sa pahayag ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division Spokesperson at Public Affairs Office (PAO) Chief na si Colonel Michael Aquino, sinabi nitong nakasentro ang papel ng militar sa pagtitiyak ng kapakanan ni Anicoche at sa pagsuporta sa kanyang recovery hanggang sa ligtas niyang makasamang muli ang kanyang pamilya.

Facebook Comments