Charging station ng e-vehicles, binuksan na sa isang mall sa Taguig City

Nagbukas ang SM Aura sa Taguig city ng isang charging station para sa e-vehicles o electric vehicles.

Ito’y bilang tulong sa mga customer ng SM na pawang mayroong e-vehicles kung saan Iibre ang charging ng mga ito.

Bahagi ito ng inisyatibo ng SM Green Movement upang mabawasan ang polusyon na nararanasan sa bansa.


Bilang tugon din ito sa pinirmahan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Republic Act (RA) 11697 o ang Electric Vehicle Industry Development Act.

Sa pahayag ni Mr. Steven Tan na presidente ng SM supermalls, kayang tumakbo ng hanggang 484 na kilometro at kailangan lamang mag-charge o i-chatge ng hanggang walong oras ang isang 50kw na e-vehicle.

Bukod sa SM Aura, naglagay rin ng mga charging station sa Sm North Edsa, SM Mall of Asia at SM Megamall.

Bukod kay Mr. Steven Tan, ilan din sa dumalo sa naturang aktibidad ay sina Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) Chief Atty. Charlie Apolinario del Rosario, Dr. Teodoro Garchalian- ang Assistant Secretary for Administration and Legal Affairs ng Department of Science and Technology, Gilbert Gonzales ang Assistant Secretary for Field Operations – Luzon and Visayas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ilang opsiyal ng Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Mon Lopez.

Kapwa sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan na malaking tulong ang pagkakaroon ng mga charging stations upang mas lalong makatipid at mas marami pang indibidwal ang gumamit ng e-vehicles kapalit ng mga ordinaryong sasakayan na gumagamit ng petrolyo lalo na’t ang e-vehicles ay makakatulong sa kalikasan.

Facebook Comments