Charity bed sa mga ospital, pinadaragdagan ng isang kongresista

Isinulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na maitaas sa 30% ang kasalukuyang 10% na charity bed na nilalaan ng mga pribadong ospital para sa mga mahihirap na pasyente sa ilalim ng “No Balance Billing” (NBB) policy.

Tugon ito ni Lee sa kakulangan sa PhilHealth wards na siyang dahilan kung bakit lumalaki ang gastos ng ating mga kapus-palad na kababayan, dahil madalas ay wala nang available na charity ward sa mga ospital.

Paliwanag ni Lee, ang NBB policy ay ipinatutupad ng PhilHealth kung saan walang babayaran ang mga kwalipikadong benepisyaryo kapag sila ay na-confine sa mga accredited na ospital.


Sa inihaing House Resolution No. 1716, ay hiniling din ni Lee sa Department of Health (DOH) na atasan ang licensed at accredited hospitals na maglagay ng notice sa entrance pa lamang na nagsasaad kung ilan na ang okupado at bakanteng PhilHealth wards para makatulong sa pagpapasya ng mga benepisaryo ng NBB policy.

Diin ni Lee, napakahalaga na natutugunan ng gobyerno ang problema at pangamba sa kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino para mabigyan sila ng lakas at kakayahan na maging produktibong bahagi ng lipunan.

Facebook Comments