Charter Change, hindi sagot sa mga problema ng bansa ayon sa CBCP

Nagbabala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi panlunas sa lahat ng nagpapahirap sa bansa ang Charter Change.

Ayon sa CBCP Episcopal Commission on Public Affairs, maling isipin na magbabaligtad ang takbo ng ating bansa sa pagbabago ng Konstitusyon.

Anila, binabalewa ng mga nagsusulong ng Cha-Cha ang pinaka-epektibong panlunas sa mga karamdaman ng bansa tulad ng pagsugpo sa korapsyon, political agenda, accountability, pagtataguyod ng katarungang panlipunan at pagkakapantay-pantay, at paghahatid ng mga pangunahing serbisyong panlipunan.


Nagsimula ang usapin ng Cha-Cha noong Disyembre matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez na ang Kapulungan ng mga kinatawan ay kikilos upang muling isulat ang mga bahagi ng Konstitusyon sa 2024 na may mga pagbabago na nakatuon sa mga probisyon sa ekonomiya na naghihigpit sa foreign ownership.

Sa parehong buwan, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagrepaso nito upang matukoy kung kailangan ng overhaul at makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan.

Facebook Comments