Manila, Philippines – Maghahain ng resolusyon si Senador Ping Lacson na magsusulong ng hiwalay na pagtalakay ng Kamara at Senado sa Charter change na syang magbibigay daan para mapalitan ang porma ng gobyerno patungong Federalism.
Sa resolusyon ay hihilingin ni Lacson na sa halip na magkaroon ng joint session ang Senado at Kamara ay hiwalay na na lang ang mga ito na uupo bilang constituent assembly.
Nais ni Lacson na ang proseso sa Cha-Cha ay maging katulad sa proseso ng pagpasa sa panukalang batas na hiwalay na tinatalakay ng Senado at Kamara.
Dito ay pinaplantsa na lang ng dalawang kapulungan sa Bicameral Conference Committee (BCC) ang hindi pagkakatugma ng kanilang bersyon.
Naniniwala si Lacson na ito na ang pinaka-mabilis na proseso kung saan hindi maipapasok ang personal na interes ng mga pulitiko na nagnanais ng ‘No-election’ scenario para mapalawig ang kanilang termino.
Ang nabanggit na resolusyon ay ihahain ni Lacson sa pagbubukas ng sesyon sa lunes para matalakay na maisama sa pagdinig ng Committee on Constitutional Convention and Revision of Codes (Con-Ass) sa Miyerkules.