Iginiit ni Senator Nancy Binay na kung prayoridad lang naman ang paguusapan, hindi kasama rito ang Charter Change o chacha.
Ito ang reaksyon ni Binay matapos maghain si Senator Robin Padilla ng Resolution of both Houses no. 3 na nagaamyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Binay, lihis sa usapin ng kumakalam na sikmura ang pagsusulong ng chacha at ang pagbuo ng Constituent Assembly o ConsAss ay hindi kasama sa ulam ng bawat Pilipino.
Dagdag pa ni Binay, kung ang isyu ay amyenda lang sa economic provisions ng Saligang Batas, ito ay natugunan na ng nakaraang Kongreso matapos isabatas ang tatlong mahahalagang economic liberalization laws na layong pasiglahin ang ekonomiya at maitaas ang global competitiveness.
Ang mga batas na ito ay ang Public Service Act (PSA), Retail Trade Liberalization Act at Foreign Investments Act.
Bukod dito, nagdudulot din ang chacha ng pagkakahati-hati at sa halip ay dapat aniyang mas tutukan ang mga isyung direktang nakakabit sa sikmura ng publiko tulad ng presyo ng mga pangunahing bilihin, mga problema sa agrikultura, health sector, marginalized sector at iba pa.