Itinulak ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con upang mailatag na ang mga kinakailangang pagbabago na pumipigil sa lubos na pag-unlad ng bansa.
Nakapaloob ito sa House Bill 4926 o Constitutional Convention Act, na inihain ni Villafuerte na layuning i-akma sa panahon ang mga probisyon ng Konstitusyon dahil marami ng nagbago mula ng gawin ito mahigit tatlong dekada na ang nakakaraan.
Sa ilalim ng panukala ni Villafuerte ang mga miyembro ng itatayong Con-Con ay ihahalal ng taumbayan kasabay ng eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na balak ilipat sa 2023 o sa mid-term elections sa 2025.
Sa ilalim ng panukala, babalangkasin ng Commission on Elections (Comelec) ang implementing rules and regulations ng isasagawang Con-Con elections.
Ayon sa panukala, ang sinumang mananalo sa halalan ng Con-Con ay hindi maaaring tumakbo sa unang eleksyon matapos na amyendahan ang Konstitusyon.
Sinumang delegado ng Con-Con ay hindi naman maaaring maitalaga sa ibang pwesto sa gobyerno habang hindi pa natatapos ang sesyon ng Con-Con at isang taon mula sa plebisito na ipatatawag para sa bagong Saligang Batas.
Ang mga mananalong delegado ng Con-Con ay bibigyan ng dalawang taon para matapos ang pag-repaso sa Saligang Batas.