Charter Change, walang bilang sa Senado

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang sapat na numero sa Senado ang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sinabi ni Zubiri na sa katunayan sa kanyang pagkakaalam ay halos kalahati ng mga kasamang mambabatas sa Mataas na Kapulungan ay ayaw o hindi pa handa sa Charter Change o Cha-Cha.

Kahit aniya itulak ito ng ilang mga kasamahang Senador ay hindi ito makakakuha ng kailangang 3/4 votes na katumbas ng 18 boto, na pagpabor ng mayorya ng mga Senador.


Mas mainam aniyang pagtuunan ng pansin ang mga priority measures na napagkasunduan sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa halip na Cha-Cha na nagdudulot lamang ng dibisyon sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Dagdag pa ng Senate leader, kung walang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay mahihirapan ding umusad ang Cha-Cha dahil sa executive department, partikular sa Department of Budget and Management (DBM) manggagaling ang pondo para dito.

Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi niya prayoridad ang pagsusulong ng Cha-Cha.

Facebook Comments