Naghahanda na ng chartered flight ang pamahalaan para sa mga ililikas na Pilipino sa Lebanon sa gitna ng lumalalang tensyon doon.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia na nasa 111 Pilipinong lumikas sa shelters sa Lebanon ang handa nang magpa-repatriate anumang oras.
Hinihintay na lamang umano ang landing rights para sa chartered flight na kayang makapagsakay ng humigit-kumulang 300 Pilipino.
Inaayos na rin ng DMW ang exit visas at exit clearances ng mga Pinoy maging ang mga gusot sa mga OFW na ayaw payagang makaalis ng mga employer.
Samantala, bukod sa mga Pinoy ay maaari rin nilang isama sa bansa ang kanilang mga napangasawang Lebanese o iba pang dayuhan at kanilang mga anak.