Checkpoint sa Central Luzon, nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspek sa Malabon murder case

Naaresto ang apat na mga suspek sa isang checkpoint operation sa Angeles City, Pampanga nitong August 31, 2025.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Police Regional Office 3 nasakote ang mga suspek sa kahabaan ng McArthur Highway, Barangay Sto. Domingo, Angeles City matapos tangkaing umiwas sa anti-criminality checkpoint.

Nakumpiska mula sa kanila ang isang hindi lisensyadong Glock pistol, isang granada, at isang kalibre .380 na baril na pinaniniwalaang gagamitin sa planong panghoholdap.

Sa mismong operasyon, sinubukan pang suhulan ng isa sa mga suspek ang mga awtoridad kapalit ng kanilang kalayaan, ngunit tinanggihan ito at agad sinampahan ng dagdag na kasong Corruption of Public Official.

Sa isinagawang masusing beripikasyon, nadiskubre na isa sa mga naaresto ay dating pulis na sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad.

Napatunayan ding siya ang responsable sa pamamaril nitong July 10, 2025 sa Barangay Tugatog, Malabon City, kung saan mayroon nang nakahain na kasong murder laban sa kanya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang nagpapatuloy ang follow-up investigation upang tukuyin pa ang kanilang iba pang koneksyon sa krimen.

Facebook Comments