Checks and balance sa dagdag na kapangyarihan ng Pangulo laban sa COVID-19, tiniyak ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagsasagawa ng ‘checks and balance’ sa ibinigay na dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte upang labanan ang COVID-19.

Ayon kay Cayetano, bukod sa joint oversight committee na bubuuhin ng apat na kinatawan mula sa Kamara at Senado na siyang pagbibigyan ng ulat ng Pangulo kada Linggo ay bumuo din sila ng ad hoc committee na Defeat COVID-19 Committee o DCC.

Paliwanag ni Cayetano, ang DCC ay magsisilbing “working committee” na makikipagtulungan sa oversight committee para matiyak na hindi maaabuso ang kapangyarihan ng Presidente sa ilalim ng “Bayanihan to Heal as One Act”.


Para hindi naman makasagabal sa trabaho ng oversight committee, gagawin ang mga pagpupulong ‘online’ gamit ang digital communications.

Si Cayetano ang magsisilbing Chairman ng DCC habang co-Chair naman si Majority Leader Martin Romualdez.

Samantala, ang oversight committee ang makikipag-ugnayan naman sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para talakayin ang maraming isyu tulad sa pagtugon sa kalusugan, economic relief, curfew, quarantine, peace and order, fiscal position at lagay ng ekonomiya.

Facebook Comments