CHED, aminadong hirap ang internet connectivity sa ilang eskwelahan

Aminado ang Commission on Higher Education (CHED) na nananatiling hamon ang internet connectivity sa pagpapatupad ng online learning sa Higher Education Institutions (HEIs) sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, natapos ang kanilang inventory ng connectivity sa lahat ng 400 campuses at 112 State Universities and Colleges (SUCs).

Lumabas aniya na ang internet ay malakas lamang sa main campus ngunit pagdating sa external campuses ay hindi masyadong nakapag-invest ng teknolohiya.


Sinabi ni De Vera na ang mga HEI ay kailangang magpatupad ng ibang klase ng online learning kung saan magbibigay ang mga guro ng learning materials na accessible online.

Ang mga guro ay kinakailangan nang kausapin ang mga estudyante lalo na’t ang mga klase ay isinasagawa na online kumpara noon na face-to-face classes.

Tiniyak ng CHED na ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Greater Manila area ay hindi makakaapekto sa pagbabalik ng online classes lalo na at karamihan sa mga eskwelahan ay gagamit ng blended type ng flexible learning at walang face-to-face lectures na gagawin.

Facebook Comments