Aminado ang Commission on Higher Education (CHED) na may problema ang pagsasagawa ng entrance examination online para sa incoming students sa mga kolehiyo at unibersidad.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, kwestyunable ang integridad ng mga pagsusulit na isasagawa online dahil hindi nila malalaman kung sino ang mga sumasagot sa test.
Sakaling ipupursige ng mga kolehiyo at unibersidad ang online entrance test para sa admission ng mga estudyante, mahalagang rebisahin ang disensyo ng exam.
Batid ni De Vera na may ilang Higher Education Institutions (HEIs) ang naghahanda sa kung paano magsagawa ng online entrance exams para sa susunod na academic year.
Pagtitiyak ng CHED na ginagawa ng mga kolehiyo at unibersidad sa bansa ang kanilang makakaya na maabot ang maayos na learning outcome sa kabila ng pagbabago sa paraan ng pagtuturo.