Sinimulan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang paglilipat sa ibang paaralan sa mga estudyanteng naapektuhan ng biglaang pagsasara ng Colegio De San Lorenzo (CDSL) kasabay ng unang araw sana ng pasukan nito noong August 15.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, noong Martes ay lumagda na sila ng Memorandum of Agreement kasama ang nasa 12 private school para mapadali ang pag-transfer sa mga estudyante.
Sa ilalim ng kasunduan, pinapayagan ang mga estudyante na late na magsumite ng kanilang credentials upang hindi mahuli sa klase.
Binigyan din sila ng sapat na panahon para makapagbayad ng kulang sa kanilang tuition.
Ilang unibersidad din ang nag-waive ng kanilang probisyon gaya ng pag-credit sa mga unit para maka-graduate pa rin sila ‘on time’ at makatanggap ng Latin honors.
Sinabi rin ni De Vera na sila na ang magte-take over sa mga dokumento ng lahat ng mga naging estudyante ng CDSL.
Tiniyak naman ni De Vera na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon sa biglaang pagsasara ng CDSL oras na mailipat na ang lahat ng mga estudyante.
Samantala, kinumpirma rin ni De Vera na isa pang paaralan sa Sampaloc, Maynila ang nag-abiso na ring magsasara dahil naman sa away sa pagitan ng mga may-ari nito.