Aminado ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na nabigla sila sa anunsyo ng pagsasara ng Colegio de San Lorenzo sa Quezon City noong Lunes.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, na sa tagal niya sa komisyon, ito ang unang pagkakataong may institusyon na agarang nagsara.
Ani De Vera, noong nakaraang linggo lamang nakipag-usap ang pamunuan ng naturang institusyon sa CHED kung kaya’t sila ay nabigla.
Posible aniyang hindi naabot ng kolehiyo ang target na bilang ng mga enrollee kung kaya’t agad itong magsasara.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, na hindi sila maglalabas ng acknowledgment of closure sa kolehiyo hangga’t hindi natitiyak na nailabas na ang mga dokumento ng mga mag-aaral.
Inihayag din ni Poa na isang pribadong paaralan sa Quezon City ang handang sumalo sa mga senior high school students ng Colegio de San Lorenzo sa parehong matrikula.
Sa ngayon ay prayoridad ng DepEd ang maayos na paglipat ng mga estudyante, at sisilipin din ng kagawaran kung may pananagutan ba ang eskuwelahan.
Matatandaang inanunsiyo ng Colegio de San Lorenzo ang pagsasara noong Lunes, na dapat sana ay unang araw rin ng pasukan.