Inatasan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga pribadong unibersidad na makipag-dayalogo sa mga estudyante at magulang para ipaliwanag ang gastusin sa ilalim ng flexible learning.
Kasunod ito ng apela ng ilang mga magulang at estudyante na ibaba ang tuition ngayong online na ang klase at may mga aktibidad naman na hindi na magagawa pero pareho pa rin ang sinisingil sa kanila na miscellaneous fee.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni CHED Commissioner Prospero De Vera na hindi naman porket nag-shift sa flexible learning ay wala nang gastusin.
Kaugnay nito, maglalabas ang CHED ng memo kung saan nakalista ang mga gastusin kapag nag-shift sa flexible learning ang isang eskwelahan.
Samantala, magpupulong din ang CHED at University of the Philippines (UP) kaugnay naman sa magiging proseso ng pagkuha ng mga estudyante ng entrance exam.
Aminado si De Vera na malaking hamon para sa malalaking unibersidad gaya ng UP kung sakaling gawing online ang pagsusulit.
Bukod sa problema kung paano gagawing systematic ang pag-a-apply at pagsusumite ng dokumento online ng libu-libong examinees, hamon din kung paano masisiguro ang integridad ng exam.