Nakatakdang maglabas ng show-cause order ang Commission on Higher Education (CHED) laban sa University of Santo Tomas (UST) at National University (NU),
Ito ay dahil sa naging paglabag ng kanilang sports teams sa guidelines ng komisyon.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, nakumpleto na nila ang fact-finding report hinggil sa paglabag sa quarantine protocols ng dalawang unibersidad kasunod ng ginawang training sa ilan sa kanilang varsity teams sa gitna ng community quarantine.
Isinumite na nila ang report sa Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa kaukulang hakbang.
Aalamin din kung mayroon pang ibang violations na nagawa ang mga unibersidad kabilang ang travel restrictions o local ordinances.
Batay sa inilabas na advisory ng CHED nitong Mayo kung saan ipinagbabawal sa mga eskwelahan na magsagawa ng mass gatherings tulad ng seremonya at iba pang school activities.
Sa ngayon, sinabi ng CHED na masyado pang “premature” para patawan ng anumang parusa ang dalawang unibersidad habang hindi pa sila tumutugon sa show cause order.
Nabatid na nagsagawa ang UST basketball team ng “Sorsogon bubble” habang nagsagawa ng training ang NU para sa kanilang volleyball players sa harap ng mahigpit na lockdown.