Handang makipagpulong ang Commission on Higher Education (CHED) sa mga education stakeholder kaugnay sa pagpapatigil sa Senior High School (SHS) program sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).
Ginawa ni CHED Chairperson Prospero de Vera ang pahayag kasunod ng panawagan ng grupo ng mga guro at mag-aaral na palawigin ang K-12 transition period.
Ito anila ay upang matiyak na ang mga paaralan ay may kapasidad na i-absorb ang mga mag-aaral na maaapektuhan ng pagpapatigil ng SHS program sa mga SUC at LUC.
Ayon kay De Vera, bagama’t naiintindihan niya ang posisyon ng grupo, inatasan na niya ang mga presidente at officer-in-charge ng mga SUC at LUC na ilapit sa kanilang Board of Regents o Trustees ang usapin para makapagdesisyon.
Paliwanag ng opisyal, ang Board of Regents at Trustees ang responsable sa admission, retention, at graduation policies ng mga mag-aaral.
Sa sandaling hindi na nila ito matutugunan, maaari na itong idulog sa CHED.
Dagdag pa ni De Vera, wala namang naiulat na problema sa mga SUC at LUC na tumigil sa SHS program noong 2019.
Kaugnay nito ay tiniyak ng CHED na nakahanda silang humarap sa mga education stakeholder upang matiyak na walang maiiwang mag-aaral sa pagpapatigil ng SHS program sa mga SUC at LUC.