CHED, nilinaw na hindi puro online classes ang sakop ng flexible learning

Nilinaw ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera na hindi lang online classes ang saklaw ng flexible learning.

Ito ay matapos umani ng batikos si De Vera mula sa ilang grupo ng kabataan dahil sa pahayag niyang magiging bahagi na new normal sa higher education ang flexible learning.

Ayon kay De Vera, tila may mga hindi pa rin nakakaintindi sa flexible learning policy ng komisyon na ipinatutupad ngayon sa mga kolehiyo at pamantasan sa Pilipinas.


Aniya, hindi porke magpapatupad ng flexible learning ay hindi na babalik sa face-to-face ang mga kolehiyo at pamantasan.

Sa ngayon, may 64 Higher Education Institution (HEI) ang pinayagang magsagawa ng limitadong face-to-face classes para sa kanilang medicine at allied health courses.

Dagdag ni De Vera, kapag nakitang walang hawahan ng COVID-19 ang mga estudyante rito, maaaring irekomenda ang limited face-to-face classes sa iba pang mga kurso.

Facebook Comments