Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) na rekomendasyon lamang at hindi requirement ang memorandum na inilabas nitong April 5 kung saan ang mga State Colleges and Universities (SUCs) at Local Colleges and Universities (LUCs) ay i-uurong ang pagbubukas ng klase o simula ng academic year mula Hunyo patungong Agosto.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III – walang kapangyarihan ang komisyon para atasan ang eskwelahan na sundin ito.
Aniya, tanging board of regents lamang ang makakapagdesisyon hinggil dito.
Pero hinimok ni De Vera ang mga eskwelahan na ilipat ang pagbubukas ng klase sa Agosto dahil sa kasalukuyang cash-based budgeting system – kung saan popondohan lamang ang mga proyektong nakapaloob sa fiscal year.
Kung magsisimula ang second semester sa Nobyembre, ang SUCs ay hindi makakamit ang December 31 deadlines at kailangang maghintay ng matagal bago matanggap ang reimbursement.
Isa pa sa dahilan ng pag-urong ng academic calendar ay internationalization o magiging kahanay na ang ilang unibersidad sa ASEAN region na may parehas na school calendar.
Wala ring nakikitang problema si De Vera kung ang CHED at Department of Education (DepEd) ay magkaiba ang calendars, lalo at ang college entrance exams ay nangyayari bago ang graduation.