CHED REGION-1, UMAASANG MALALAGYAN NG BUDGET ANG TES PROGRAM NG PAMAHALAAN PARA SA MGA ESTUDYANTE SA REHIYON UNO

LINGAYEN, PANGASINAN – Taong 2017 nang maaprubahan ang Tertiary Education Subsidy program ng pamahalaan sa pangunguna ng Commission on Higher Education at ito ay opisyal na namigay ng subsidiya para sa mga benipisyaryong estudyante noong School Year 2018-2019 hanggang ngayon.
Dahil dito maraming estudyanteng kolehiyo ang nakinabang at nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral dahil sa suportang ito ng pamahalaan sa mga kwalipikadong estudyante ngunit ngayon maraming mga estudyante na ang namomroblema dahil ang inaasahan ng mga incoming 1st year at 2nd year college ay hindi na nakaabot sa scholarship na ito dahil wala na umanong pondo para rito.
Sa naganap na regular session noong nakaraang Lunes, inimbitahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan si OIC Regional Director Danilo Bose ng CHED Region 1, upang ipaliwanag ang naging dahilan ng pagkawala ng pondo para sa naturang scholarship.

Ayon kay Bose, walang nakalaang pondo para sa mga TES grantees ng taong 2021, 2022 at 2023 dahil hindi ito nakasama sa General Appropriations Act o hindi inaprubahan ng Kongreso ang budget para rito.
Ngunit dagdag pa ng opisyal, na nakarating na rin ang problemang ito sa Kongreso at ngayon tuloy-tuloy nang nakikipag-ugnayan ang CHED Central Office sa pangunguna ni CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera III sa Kongreso para tignan ang problemang ito na kinakaharap ng mga mag-aaral.
Sa ngayon umaasa si Bose na magkakaroon ng magandang resulta ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Kongreso dahil aniya pa na mas maraming estudyante ang makikinabang at matutulungan ng scholarship na ito. | #ifmnews
Facebook Comments