Umaapela ngayon ang Commission on Higher Education o CHED Region 1 sa mga estudyante at guro na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 na magpabakuna na upang maisakatuparan ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga unibersidad at kolehiyo sa rehiyon.
Sa isinagawang Townhall meeting, sinabi ni Dr. Rogelio T. Galera, Director IV ng Commission on Higher Education 1, nakapagbakuna na ng 62% o 138,000 na mga mag-aaral at 89% o 12, 000 teaching/non-teaching personnel sa buong Region 1.
Aniya, bagamat maganda ang nasabing bilang kailangan pa ring hikayatin ang mga hindi pa nababakunahan nang maging posible na ang pagbabalik ng face-to-face classes sa lahat ng academic programs.
Kawalan ng access, pag-aalinlangan at brand conscious ang kadalasang dahilan ng mga hindi pa nagpapabakuna ayon kay Galera.
Magsisilbing slogan ng CHED para sa kanilang nagpapatuloy na vaccination campaign ang “Bakunado ako at Papasok ako.” | ifmnews