Suportado ng Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na buksan sa foreign ownership ang Higher Education Institutions (HEIs) sa bansa.
Sa ikaapat na pagdinig ng Senate subcommittee on Constitutional Amendments para sa Resolution of Both Houses No. 6, binigyang-diin ni CHED Chairman Prospero de Vera ang mga benepisyong makukuha kapag binuksan sa dayuhang pagmamay-ari ang HEIs sa bansa tulad ng mas maraming option para sa mga mag-aaral, internationalizing higher education, pag-uugnay sa mga unibersidad sa loob at labas ng bansa at pagtaas sa foreign student enrollment.
Magkagayunman, tinukoy ni De Vera ang kahalagahan na mabigyan ng insentibo ang foreign universities at tiyakin ang complementarity sa pagitan ng Pilipinas at overseas institution.
Sinabi naman ni TESDA Deputy Director General Rosanna Urdaneta na welcome ang foreign participation at foreign investment sa technical vocational education and training (TVET) dahil makatutulong ito sa kinakailangang mga state-of-the-art equipment, facilities at expertise ng foreign trainers.
Para naman kay DOLE Usec. Felipe Egargo Jr., makakahikayat ang pag-amyenda sa economic provisions para mas makahimok ng foreign investments na mahalaga para sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.
Tinitiyak naman na habang sumusunod tayo sa demands ng globalization ay dapat nasusunod pa rin ang “Filipino First policy”.